Categories
Mga Tula Poetry

“Ang Pangangailangan ng Kalungkutan”

This is my Tagalog translation of “The Necessity of Sadness”
by Mikael de Lara Co


Hayaan mong ilarawan ko sayo ang pananabik.
Hayaan mong isipin kong may bago
akong masasabi tungkol dito, na ang silid na ito,
hubad, at may mga pader na nag-aasam ng mga orasan
ay may bagong masasabi
tungkol sa kawalan. May pagngasab ng mansanas,
kumukupas
na mga mirasol sa kubrekama, isang bintanang
nakatitig sa abot-tanaw
na may nag-iisang puno. At ikaw
nakaupo sa ilalim nito. Bumitaw ka,
sabi mo sa akin sa isang panaginip,
pero nang maihatid na ng hangin
ang boses mo sa akin,
Pumapasok na ako
sa naghihikab na pinto, papunta
sa maliliit, kinakailangang mga kalungkutan
ng paggising. Gusto ko sanang
mahawakan ka ngayon,
ngunit iyon ang isang linya na
walang lugar sa isang tula, katulad ng namamagang
ningning ng buwan ngayong gabi,
o ang salitang kawalan, o ikaw,
o pananabik. Hayaan mong ilarawan ko sayo ang
pananabik. Sa isang malayong lupain
may dalawang magkasintahan sa upuan, at mga kalapating
hindi natatakot, ay nakadapo sa tabi nila.
Inilagay ng babae ang kamay nya sa tuhod ng lalaki
at sinambit, sabihin mo sa akin
ang pinakatotoong bagay na kaya mong sabihin.
Ipipikit ko na ang aking mga mata.
Ikaw ay malayo.

Leave a Reply

Your email address will not be published.