Categories
Muni-muni Musings

Nakikita kita na parang Metro Manila

Nakikita kita na parang Metro Manila. Ito, habang umaambon at maingat na tinatahak ng taxi ang kahabaan ng EDSA. Para kang EDSA. Malikot pero hindi pragmatic. May mga tanda ng paggalaw pero madalas ay wala naman talagang pinupuntahan. Isa kang mahabang paghihintay, nakahihimatay, nakamamatay. Bawal tumawid sa mga hindi kasiguruhan. Katulad nang hindi mo pagtawid sa inaasam kong pagmamahal.
 
Nakikita kita na parang Metro Manila. Yung in-assume ko na kilala ko na, pero kapag gumala ulit sa mga hindi pamilyar na lugar ay marami pa palang itinatagong lihim. May mga sulok na hindi kailanman magagalugad ng paningin dahil kung hindi nasisira ng mga anay ng lipunan ay patuloy na hinuhulma ng panahon – binubuo, ginigiba, ginagawa, winawasak nang paulit-ulit.
 
Umiiyak ka na naman dahil tag-ulan – nung napadaan tayo sa isang tagpuan na dati kamo ay madalas mong puntahan. Hindi lang sa Malate, hindi lang sa Makati – sa Divisoria rin, sa Baclaran, sa UP Diliman. Sa mga lugar na madalas na hindi natutulog – o nananatiling mulat. Katulad nang hindi mo pagtulog kamo nung araw na ikaw ay iniwan. Siguro kaya ka rin dumalas doon ay dahil gising ang mga lugar na ito para sayo. Kasama mo sa kalungkutan. Hindi nang-iiwan.
 
Siguro nakikita rin kita na basag na mga pangarap. Katulad ng mga syudad na malalaking tipak ng bubog ng iisang kinabukasan. Nanatiling kinabuksan sa mahabang panahon. Ang Metro Manila, parang mga tore ng mga bahay-anay. Inipon at pinagtabi-tabi sa isang maliit na bahagi ng Pilipinas. Sa isang dagundong, sa tamang pagkakataon, ay mabibitak at guguho. Kaya nahihirapan akong umasa sa iyo, o sa atin – dahil parang ang tibay sa labas pero sa loob ay madaling uurin.
 
Pero sumasaya ako sa iyo, walang duda. Lalo na dahil sayo ko lang natatagpuan ang mga bagay na wala sa iba. Dahil ang Metro Manila, katulad ng ibang syudad ay hindi lang naman tungkol sa nakikita – tungkol rin sa mga ala-ala, sa mga nadarama. Tungkol sa kultura. Tayo lang naman talaga ang nakabubuo ng kultura ng ating pagsasama. Niyayakap tayo ng mga nakasanayang ngiti. Sa mga eskinita, sa amoy ng sabong panlaba, sa mga tilamsik ng maitim na mantika na pinaglalanguyan ng mga bola-bola. Sa mga isaw at bituka ng syudad na sya ring hugis ng iyong mga sumpong at ligaya.
 
Pero hindi ko sinasabing kilala na kita. Sa kabila nito, hindi pa rin kita nakikita – hanggang hindi ko nagagawang tawirin ang mga kanal ng ating pagsasama. Kulang na kulang lalo na at isa lamang itong pagpapalamuti ng mga salita. Hindi nailalarawan nang buo ang syudad, lalo na ang isang tao – lalo na ang sarili. Mas maraming lihim ang pilit na ibinabaon ng mga ito sa mga sulok, kapag walang nakatingin, sa kalaliman ng gabi, o minsan, kahit lantaran – sa liwanag ng araw, dahil ang tumitingin ay nagbubulag-bulagan. Dahil nga ba sa pagmamahal o sa kahibangan?

Photo from inquirer.net

Leave a Reply

Your email address will not be published.